dzme1530.ph

Price ceiling sa bigas, mananatili ngunit pag-aaralang mabuti ayon sa Pangulo

Patuloy pa ring ipatutupad ang mandated price ceiling sa bigas sa ilalim ng Executive Order no. 39.

Ito ang kinumpirma ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa sectoral meeting sa Malacañang kasama ang agriculture at economic officials.

Ayon sa Pangulo, pag-aaralang mabuti ang price ceiling ngunit sa ngayon ay mananatili muna itong epektibo.

Samantala, sa kanyang mensahe para sa anibersaryo ng National Food Authority ay tiniyak ni Marcos na nagdodoble-kayod ang gobyerno upang mapalakas ang lokal na produksyon ng pagkain at mapaunlad ang sektor ng agrikultura.

Matatandaang itinakda sa P41 per kilo ang price cap sa regular milled rice, at P45 per kilo sa well-milled rice.

Magpapatuloy naman ang pamamahagi ng P15,000 cash assistance sa mga apektadong retailer ng bigas, at isinama na rin dito ang owners ng sari-sari stores. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author