Kinuwestyon ni Sen. Imee Marcos ang panibagong presensya ng ilan pang C-17 Globemaster ng U.S. Air Force sa Maynila at Palawan.
Sa impormasyon ng senador, lumabas sa global flight tracker ng AirNav Systems na ala-6 ng umaga noong Biyernes, isang U.S. Air Force C-17 na may flight code MC244 / RCH244 ang lumapag sa Maynila mula sa Andersen Air Force Base sa Guam; umalis pa-Palawan bago mag ala-una ng hapon, at saka dumiretso sa Yokota Air Base sa lungsod ng Fussa, Japan bandang hapon.
Bagamat madalas na nawawalan ng signal ang eroplano habang bumibiyahe, nairekord ng flight tracker na Flightradar 24 ang pag-alis nito mula sa Palawan bago mag alas-4 ng hapon, oras sa Maynila, at ang pagdating nito sa Yokota bandang 9:30 p.m., oras sa Japan.
Ipinakikita ng flight route nito mula Palawan ang pagdaan sa bahagi ng Pampanga, Cagayan, at sa silangang baybayin ng Batanes at Taiwan bago tuluyang lumapag sa Yokota Air Base.
Napansin din ng mga pasahero ng mga commercial flight na paalis at papunta ng Ninoy Aquino International Airport ang dalawang U.S. military plane malapit sa runway na kanilang ibinahagi sa tanggapan ni Marcos.
Isang C-17 na may flight code RCH323 na umalis ng Tokyo noong Biyernes ng gabi ang naispatan sa hilaga ng Busuanga kinabukasan, araw ng Sabado.
Pero hindi ito nasubaybayan hanggang kinahapunan at nakita na lang ito na patungo na sa Polillo Island bago makalabas ng teritoryo ng Pilipinas.
Nanawagan si Marcos sa mga opisyal ng militar, depensa, at foreign affairs ng Pilipinas na tukuyin kung pinalalala lang ng mga sikretong paglipad sa bansa ng mga U.S. military plane ang tensyonadong sitwasyon sa South China Sea at Taiwan Strait at timbangin ang panganib na maaring idulot nito sa publiko. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News