dzme1530.ph

POPCOM HINIMOK ANG PAMAHALAAN NA TUTUKAN ANG PAGBIBIGAY NG TRABAHO SA MGA PILIPINO

Hinimok ng Commission on Population and Development ang gobyerno na tutukan ang pagbibigay ng trabaho sa harap ng tumataas na bilang ng Employable Filipinos o mga Pinoy na maaari nang magtrabaho.
Ayon kay POPCOM Officer-In-Charge Lolito R. Tacardon, resulta ito ng mga hakbang para mapababa ang fertility at mortality levels o bilang ng mga ipinapanganak at mga namamatay, na sumasalamin sa epektibong implementasyon ng Population and Development Programs tulad ng Family Planning.
Kaugnay dito, dapat umanong unahin ng pamahalaan ang paglalatag ng mga dekalidad na trabaho para maibigay sa mga industriya ang mga kinakailangang skills o kakayanan.
Kung hindi ito gagawing prayoridad, sinabi ni Tacardon na masasayang ang pagkakataong mapabilis ang Socio-Economic Growth na magpapaganda sa kalidad ng pamumuhay ng bawat pilipino.
Kaugnay dito, hinihikayat ang National at Local Leaders, at maging ang pribadong sektor na palakihin pa ang Work Force at magbigay ng pantay na oportunidad sa mga kalalakihan at kababaihan.
Sa 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority, aabot sa 69.40 million o mahigit kalahati ng kabuuang 109 million na populasyon ng bansa ang nasa edad kinse hanggang sisenta’y kwatro na pasok sa Working Age Bracket.

About The Author