Isinusulong ni Senate Committee on Basic Education chairman Sherwin Gatchalian na dagdagan ang pondo para sa pagpapatupad ng Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS).
Ang FLEMMS ay isang household-based survey na nagtitipon ng mga impormasyon hinggil sa basic at functional literacy rates, pati na mga educational skills qualifications.
Sa ilalim ng committee report ng Senado sa panukalang 2024 national budget, makakatanggap ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng P208.97 milyon para sa pagpapatupad ng FLEMMS.
Mas mataas ito ng 254.3% sa P58.9 milyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) at ng General Appropriations Bill (House Bill No. 8980).
Iminungkahi rin ni Gatchalian ang pagsasagawa ng survey hanggang sa lebel ng mga siyudad.
Tiwala kasi ang senador na makatutulong sa EDCOM II ang survey para matukoy ang mga lugar na may mataas na illiteracy rates, upang makapaglunsad ng mga epektibong programa. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News