Kumpiyansa si Sen. Win Gatchalian na kayang punan ng malilikom na pondo mula sa plano ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na isapribado ang malaking bilang ng mga Casino ang mawawalang kita sakaling ipasara na ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ay makaraang ianunsyo ng PAGCOR ang planong pagsasapribado ng 45 sa mga Casino na hawak nito simula sa 2025 na inaasahang magbibigay sa gobyerno ng karagdagang P60-P80 bilyong kita.
Sinabi ni Gatchalian na malaking bagay din ang plano ng PAGCOR upang hindi na kinakailangang magdagdag pa ng ipapataw na buwis, habang nasa gitna ng paghihigpit ng sinturon ng pamahalaan.
Isa rin anya itong paraan upang maihiwalay ang regulatory function ng PAGCOR sa commercial operation nito para mas maging epektibo sa tungkulin nang walang conflict of interest.
Hinala kasi ni Gatchalian na dahil kumikita ang PAGCOR sa mga POGO ay nababawasan ang kanilang motibasyon na magsagawa ng masusing pagbabantay sa operasyon ng mga ito.
Patunay din anya dito ang kabiguan ng PAGCOR na makolekta ang P2.3 bilyong halaga ng kita mula sa mga POGO mula noong Disyembre 2021. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News