Nakapagtala na ang Philippine National Police ng mahigit 11,000 na kaso ng violence against women and their children ngayong 2024.
Sa press briefing sa Malakanyang, iniulat ni PNP Anti-violence Against Women and Children Division OIC Police Lt. Col Andree Deedee Abella na hanggang noong Nov. 30, kabuang 11,636 VAWC cases na ang naitala.
11,522 sa mga ito ay itinuturing nang cleared, kabilang ang 7,025 na solved o nalutas na.
Ayon naman kay Philippine Commission on Women Chairperson Ermelita Valdeavilla, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority ay isa sa kada limang kababaihang Pilipino ay nakararanas ng emosyonal, pisikal, at sekswal na panghaharas sa kamay ng kanilang kasalukuyan o pinaka-huling partner.
Iginiit naman ng Dep’t of Justice na 76% o mayorya ng mga nabiktima ng human trafficking sa bansa ngayong taon ay kababaihan.
Sa kabila nito, ibinida ni DOJ Assistant Sec. Michelle Anne Lapuz ang 82% prosecution success rate sa human trafficking cases, 80% prosecution success rate sa mga kaso ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act, at 88% prosecution success rate sa mga kaso ng rape.
Inilunsad din ng DOJ ang iba’t ibang kampanya kabilang ang bawal ang bastos video para sa pagsusulong ng Safe Spaces Act, Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE) program, at Barangay IACAT Program.
Isinulong din ng PCW ang 18-day Campaign to End Violence Against Women and Children, habang sinabi rin ng PNP na nananatiling aktibo ang kanilang aling Pulis 24/7 helpline na sumbungan ng kababaihang makararanas ng karahasan o pang-aabuso.