Kinalampag ng ilang senador ang Philippine National Police (PNP) upang muling busisiin ang pagkakasangkot ng mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa mga insidente ng kidnapping at iba pang krimen.
Ito ay sa gitna ng karumal-dumal na pagpatay sa isang Filipino Chinese businessman na posible umanong may kinalaman sa operasyon ng POGO.
Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na lumabas na sa mga naunang imbestigasyon na ginagamit ang POGO para sa pagpasok ng mga criminal syndicate sa bansa.
Iginiit ng senador na dapat muling suriin ng PNP ang mga aktibidad ng POGO lalo pa’t may pangamba na posibleng sa mga susunod na araw ay mga lokal na negosyante na ang mabiktima ng mga kriminal na ito.
Sinabi naman nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate Majority Leader Joel Villanueva na dapat tutukan ng pulisya sa kanilang imbestigasyon ang lahat ng anggulo upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Iginiit ni Villanueva na ang mga insidenteng ganito ay nagdudulot din ng pangamba sa ating mga kababayan lalo pa’t batay sa datos hanggang noong September 2022 ay nasa 27 na ang kidnapping cases na naiulat sa PNP kung saan 15 ang POGO-related cases.
Naniniwala naman si Senador Grace Poe na mas matapang na hakbang ang kailangang ilatag ng mga otoridad para sawatain ang mga kidnap-for-ransom groups.
Iginiit ni Poe na ngayon ay wala nang takot ang mga nasasangkot sa kidnap-for-ransom dahil ilan pa sa mga ito ay mga dating myembro ng pulis at militar.
Para naman kay Senator Risa Hontiveros, hindi na kagulat-gulat kung ang krimen ay may kaugnayan sa POGO dahil napatotohanan na sa napakaraming imbestigasyon ng Senado na puro krimen lang ang hatid ng industriya.
Iginiit ni Hontiveros, sakaling mapatunayang POGO-related ang pagdukot at pagpatay sa negosyante, mas lalo lamang palalakasin nito ang panawagan para tuluyang sipain palabas ng bansa ang mga POGO.