Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na aktibong mino-monitor ngayon ng PNP ang mahigit 430 opisyal ng barangay na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ayon kay Gen. Acorda, base sa hawak na intelligence information ng PNP, iba’t iba ang partisipasyon ng mga naturang barangay official sa kalakalan ng ilegal na droga.
Ang ilan aniya sa mga ito ay direktang sangkot sa pagtutulak ng droga, habang ang iba naman ay mga financier o kaya ay protektor.
Pinakamarami aniya sa mga ito ay sa Region 6, at mayroon din sa National Capital Regional (NCR).
Una na ring inihayag ng PNP, na ang pinalakas na intelligence monitoring sa mga opisyal ng barangay na sangkot sa ilegal na droga ay bahagi ng pagtiyak ng seguridad sa darating na Barangay at Sanggunian Kabataan Elections sa Oktubre. —ulat mula kay Jay de Castro, DZME News