dzme1530.ph

PNP Chief, inatasan ang mga pulis na maghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong #BettyPH

PNP Chief Acorda, inatasan ang mga pulis na tumulong sa ibat-ibang sangay ng gobyerno na mamamahagi ng pagkain, inumin at kinakailangang gamit sa naapektuhan ng bagyong Betty.

Nagbigay direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., sa lahat ng PNP units na siguraduhing walang magiging sagabal sa lahat ng dadaanan upang hindi maudlot ang paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Betty.

Ayon kay Acorda, bagama’t ibinaba na ang klasipikasyon mula super typhoon ay typhoon na lamang si Betty ay maaari pa rin itong magdulot ng pag ulan, pagbaha at landslide sa ilang lugar sa bansa.

Partikular na pinatututukan ni Acorda ang Northern Luzon at Cagayan kung saan nananalasa ang bagyo.

Kaugnay nito, pinakilos na ni PNP Chief Acorda ang lahat ng regional mobile force battalion ng Police regional office 1, 2, 3 at CAR para tumulong sa Humanitarian and Disaster relief (HADR) operations. —ulat mula kay Jay de Castro, DZME News

About The Author