Tiwala si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na matutuldukan na ang lahat ng mga isyu na bumabalot sa ₱6.7-B drug haul sa Maynila kung tuluyan nang magsasalita si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr.
Sinabi ni dela Rosa na matatapos ang usapan kung ang mismong pinuno ng PNP ang magsasalita dahil alam niya ang lahat ng detalye.
Una rito, nangako si Azurin na maglalabas ng pahayag sa mga susunod na araw sa sandaling mapasakamay na ang lahat ng report tungkol sa pagkakaaresto kay PM Sgt. Rodolfo Mayo Jr.
Iginiit ni dela rosa na mahalagang ibahagi agad ni Azurin ang kanyang nalalaman niya tungkol sa isyu dahil nakataya dito ang kanyang reputasyon at upang hindi rin magduda sa kanya ang taumbayan.
Kritikal aniya ito lalo na’t malapit na ring magretiro si Azurin.
Kung maka-klaro aniya ng PNP chief ang isyu ay ipapakita nitong wala siyang balak na i-cover up ang ginawang kalokohan ng ilan sa kanyang mga tauhan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News