Inatasan ni PNP Chief Pol. Gen. Benjamin Acorda Jr. ang Police Regional Office 4B at Calapan City Police Station na bilisan ang pag-iimbestiga upang matukoy ang mga pumaslang sa radio commentator na si Cresenciano Bunduquin.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief, PBGen. Redrico Maranan na isang Special Investigation Task Group ang bubuuin para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente.
Inihayag naman ni PRO MIMAROPA Chief, PBGen. Joel Doria na ang task group ay pamumunuan ni Oriental Mindoro Police Provincial Office Chief PCol. Samuel Delorino.
Idinagdag ni Maranan na siya ring Chief Focal Person para sa Presidential Task Force on Media Security, na nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ni Bunduquin, maging sa mga kasamahan ni Cresenciano sa trabaho upang makakalap ng mahahalagang impormasyon.
Ipinaliwanag ng opisyal na bagaman ang trabaho ng biktima ay nasa pamamahayag at tinatalakay nito ang mga kritikal na isyu, hindi nila maaring sabihin agad na work-related ang motibo sa krimen.
Sa ngayon aniya ay sinisilip ng mga otoridad ang lahat ng posibleng anggulo sa pamamaslang sa radio commentator. —sa panulat ni Lea Soriano