Mahigpit na binabantayan ng Philippine National Police (PNP) ang mga grupo na nagsusulong ng ‘secession’ o paghiwalay ng Mindanao mula sa Pilipinas.
Pahayag ito ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., kasabay ng paniniwala na sa ngayon ay hindi ito maaring pagmulan ng gulo dahil wala naman aniyang malaking grupo na sumusuporta sa naturang panawagan.
Sinabi ni Acorda na kabilang sa kanilang binabantayan ay ang posibilidad na may malabag na mga batas ang mga nagbibitaw ng salita tungkol sa pagsasarili ng Mindanao.
Samantala, binigyang diin naman ng Department of National Defense (DND) na isa sa kanilang mga tungkulin ay pangalagaan ang integridad ng teritoryo ng bansa na alinsunod sa nakasaad sa konstitusyon.
Tiniyak ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ipatutupad nila ang mandatong ito, hindi lamang sa external kundi pati sa internal o panloob na usapin ng bansa.
–Sa panulat ni Lea Soriano-Rivera, DZME News