Thumbs down sa National Security Council ang planong Christmas convoy ng “ATIN ITO” Coalition na layuning maghatid ng saya sa West Philippine Sea frontliners na naka-posisyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, bagamat suportado nila ang magandang intensyon ng ATIN ITO hindi pa rin nila ipinapayo ang pagsasagawa ng convoy sa Ayungin Shoal sa harap ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa halip, hinikayat ang grupo na isagawa na lamang ang Christmas Convoy sa iba pang okupadong bahagi ng Kalayaan Island Group kung saan may naka-pwesto ring mga sundalo at sibilyan na maaaring abutan ng mga regalo at donasyon.
Pwede rin umano nilang iturn-over ang donasyon sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard, at sila na lamang ang maghahatid nito sa BRP Sierra Madre sa pamamagitan ng routine rotation and resupply missions. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News