dzme1530.ph

PISTON, bukas pa rin na pag-usapan ang kooperatiba kaugnay ng PUV Modernization Program

Nilinaw ng transport group na PISTON na bukas pa rin sila na pag-usapan ang PUV Modernization Program, sa kabila nang tinatayang 100,000 miyembro nila ang inaasahang lalahok sa tatlong araw na tigil-pasada na nagsimula ngayong Lunes.

Sinabi ni PISTON National President Mody Floranda, na bukas sila sa usapin ng kooperatiba kung mananatiling indbidwal ang pagmamay-ari ng unit at prangkisa.

Sa bahagi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), tiniyak nito na tutulungan ng pamahalaan ang jeepney operators at drivers sa pag-modernize ng kanilang units sa sandaling sumali sila sa kooperatiba.

Ipinaliwanag ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na kapag nakabuo na ng kooperatiba ang mga operator at drivers ay tuturuan sila kung paano ang Fleet Modernization Program, basta ang kanilang sasakyan at roadworthy, batay sa pamantayan ng Land Transportation Office. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author