Nakalabas na sa ospital si Jimmy Pacheco, ang Pinoy na kabilang sa mga pinakawalang bihag ng militanteng grupong Hamas.
Sa video ng Ministry of Foreign Affairs sa Israel, nakangiting lumabas si Pacheco mula sa Shamir Medical Center habang pinapalakpakan ng medical staff at isinisigaw ang kanyang pangalan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, nasa maayos na kalagayan ang pinoy worker at kasalukuyang nagpapahinga sa isang hotel.
Sinabi ni Pacheco sa Philippine Embassy sa Israel na 11 kilo ang nabawas sa kanya sa 41-araw na binihag sila ng grupong Hamas, kaya naman pinadalhan siya ng embahada ng adobo at pinakbet.
Sa pagtaya ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega, posibleng makauwi sa Pilipinas si Pinoy caregiver sa December 15. Samantala, dadalhin naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Maynila mula sa Cagayan ang pamilya ni Pacheco para abangan ang kanyang pagbabalik sa bansa. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera