Nilinaw ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na hindi mamamahayag ang biktima ng pamamaril sa Cotabato City kamakailan.
Ginawa ang paglilinaw matapos lumitaw sa initial reports na ang biktima na kinilalang si Mohammad Hessam Midtimbang, ay isang radio blocktimer at host ng Bangsamoro Darul Ifta Radio Program sa Gabay Radio 97.7 FM.
Gayunman, sa updated local police report, sinabi ni PTFoMS Executive Director Paul Gutierrez na si Midtimbang ay hindi journalist kundi isang “Uztadz” o personalidad na malawak ang kaalaman sa batas ng Islam.
Aniya, inimbitahan ng gabay radio ang biktima bilang panauhin sa ilang okasyon upang hingin ang opinyon nito bilang scholar at eksperto sa Islam.
Si Midtimbang ay pinagbabaril ng dalawang hindi nakilalang salarin habang pasakay sa kanyang sasakyan sa Cotabato City, noong Lunes ng gabi. —sa panulat ni Lea Soriano