Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa Israel para isama ang mga Pilipino sa mga unang makalalabas ng Gaza makaraang buksan ang border sa Rafah.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na sa ngayon ay inuuna ng Israel ang mga miyembro ng International Organizations, kung saan kabilang ang dalawang Pinoy na mula sa doctors without borders, sa mga napiling makalabas ng Gaza at tumawid sa Egypt.
Inihayag ni de Vega na ang pagtawid sa Rafah border ay maaring mangyari anumang oras.
Tiniyak din ng DFA official na “Accounted for” ang lahat ng 136 na Pinoy sa Gaza, makaraang mawalan sila ng contact sa mga ito noong Biyernes nang maputol ang internet at linya ng mga telepono. —sa panulat ni Lea Soriano