Nabigyan ng pwesto ang Pilipinas sa board na mamamahala sa Loss and Damage Fund kaugnay ng epekto ng Climate Change.
Ito ay matapos ang matagumpay na paglahok ng Pilipinas sa Conference of the Parties to the United Nations Framework Convention on Climate Change (COP28) sa Dubai, UAE.
Sa press briefing sa Malakanyang, inihayag ni Environment Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga na ito ang magbibigay-daan sa pagbibigay-boses ng bansa sa developing countries na vulnerable sa climate change.
Magkakaroon din ito ng papel sa pagde-desisyon para sa pamamahala ng Loss and Damage Fund, at maia-ayon ito sa pangangailangan ng bansa bilang isang kapuluan, gayundin ang pangangailangan ng ibang bansa.
Ang Loss and Damage Fund ay manggagaling sa mga mauunlad na bansa na may pinaka-malaking kontribusyon sa greenhouse gas emission, at magsisilbi itong compensation para sa mga bansang pinaka-apektado ng climate change. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News