Iginiit ni National Security Adviser Eduardo Año na may karapatan ang Pilipinas na magpatrolya sa Scarborough Shoal makaraang akusahan ng China ang isang Philippine military ship na iligal na pumasok sa lugar.
Sinabi ni Año na ino-overhype ng China ang insidente at lumilikha ng hindi kinakailangang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Binigyang diin ng opisyal na sa ilalim ng international law, karapatan ng Pilipinas na maglayag sa kahabaan at kalawakan ng West Philippine Sea kung saan matatagpuan ang Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc, na sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Kasabay nito ay nanawagan din si Año sa China na umakto ng responsable, tumalima sa batas, at tigilan na ang mga agresibo at iligal na hakbang sa katubigan ng Pilipinas. —sa panulat ni Lea Soriano