Hindi magbibigay ng anumang tulong ang gobyerno ng Pilipinas sa nakaambang imbestigasyon ng International Criminal Court.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sasabihin niya sa ika-isandaang pagkakataon na hindi niya kinikilala ang jurisdiction ng ICC sa Pilipinas, at itinuturing niya itong banta sa ating soberanya.
Kaugnay dito, inabisuhan na ng Pangulo ang mga ahensya ng gobyerno kabilang ang mga pulis at mga lokal na pamahalaan, na wag sasagutin ang anumang pakikipag-ugnayan ng ICC.
Sinabi naman ni Marcos na maaari pa ring pumasok at bumisita sa bansa ang ICC investigators bilang mga ordinaryong tao, ngunit hindi sila tutulungan ng gobyerno sa anumang paraan.
Matatandaang umapila si Sen. at dating PNP Chief Ronald Bato dela Rosa sa Pangulo na magpakalalaki at sabihin kung pinayagan na nitong makapasok sa bansa ang ICC upang imbestigahan ang madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News