Aminado si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. na sadyang nakababahala na ang pambubully ng China sa tropa ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Gayunman, iginiit ng senador na kahit ipagpatuloy pa at kahit gaano pa tindihan ang pambu-bully, hindi dapat matinag ang bansa.
Sinabi ni Revilla na ang sinumang gumagamit ng tapang ay hindi naman palagiang tama.
Binigyang-diin ng senador na hindi dapat isuko gobyerno ang karapatan sa ating teritoryo.
Si Revilla ang unang senador na naghain ng panukala para sa pagdedeklara ng maritime zones ng Pilipinas.
Samantala, inihayag ni Senador Francis Tolentino na maaaring sampahan ng kaso ang barko ng China na bumangga sa ating mga resupply boat na papunta sanang Ayungin Shoal.
Iginiit ni Tolentino na hindi sakop ng sovereign immunity ang barko ng China na bumangga sa resupply boat ng AFP dahil mismong China ay kini-claim na ito ay isang barko ng militia o isang commercial fishing vessel taliwas sa unang ulat na ito ay China coast guard vessel. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News