Palalakasin pa ng Pilipinas at India ang kooperasyon sa Financial Technology o ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa financial methods at services.
Ito ay sa paglagda sa Memorandum of Understanding nina Dep’t of Finance Sec. Benjamin Diokno at Indian Ambassador to the Philippines Shambhu Santha Kumaran.
Ayon kay Diokno, ito ay isang mahalagang milestone sa bilateral relations ng dalawang bansa, na tamang-tama umano para sa nalalapit na Philippines-India Joint Commission on Bilateral Cooperation na gaganapin sa New Delhi.
Inilarawan din ng Finance Chief ang India bilang isang “rising economic powerhouse,” na kilalang mahusay sa digital technology.
Ang Pilipinas naman umano ay sagana sa mga bata at “tech-savvy” na mga indibidwal, at maaari silang makapag-ambag sa intellectual capital upang maisulong ang digital economy.
Sa ilalim ng MOU, itatatag ang Joint Working Group on FinTech kasama ang Indian Dep’t of Economic Affairs at Ministry of Finance.
Ang Joint Working Group ang mangangasiwa sa Inter-Gov’t discussions sa pagpapalitan ng mga ideya at polisiya, pag-develop ng FinTech Solutions, at pagbuo ng international standards. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News