Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pagbawi sa physical distancing at mandatory na pagsusuot ng face masks sa mga pampublikong transportasyon makaraang alisin na ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang state of public health emergency bunsod ng COVID-19.
Sinabi ni DOTr Sec. Jaime Bautista na isa itong malaking hakbang patungo sa pagbabalik sa normal ng public transportation at suporta sa pagbangon ng ekonomiya.
Tiniyak naman ni Bautista na magpapatuloy pa rin ang madalas na sanitation sa mga pampublikong transportasyon upang maiwasan ang anumang potensyal na panganib sa kalusugan.
Sa ilalim ng Proclamation no. 297 na isinapubliko noong Sabado, July 22, inihayag ng Pangulo na ang lahat ng mga kautusan, memoranda, at issuances na epektibo lamang sa panahon ng state of public health emergency ay binabawi o kanselado na. —sa panulat ni Lea Soriano