Iginiit ni Sen. JV Ejercito ang pangangailangang amyendahan ang Universal Health Care Act upang mai-adjust ang rates sa kontribusyon ng manggagawa sa PhilHealth.
Sa interpolasyon sa kaniyang Senate Bill No. 2620, ikinatwiran ng senador na bagaman tapos na ang pandemya, marami pa rin ang hindi nakakarekober sa epekto nito sa kabuhayan kaya mainam na mapababa ang binabayarang kontribusyon ng mga empleyado.
Ipinaliwanag ni Ejercito na nang buuin ang batas ay walang nag-aakala na tatama sa mundo ang COVID-19 pandemic at tatagal ng ilang taon.
Nalikha ang batas sa layunin na mas mapalawak ang sakop ng healthcare service ng Philhealth, ngunit hindi naman intensyon na ipasa at gawing pabigat sa mga nagbabayad na miyembro.
Sa period of interpellation sa panukala, inamin naman ni Sen. Koko Pimentel ang labis niyang pagtataka kung bakit lumalapit pa rin ang mga Pilipino sa mga pulitiko tulad nilang mga senador sa kabila ng pagkakaroon na ng Universal Health Care Law.
Iniisip tuloy ng senador na maaaring labis naman ang paniningil ng mga pribadong ospital sa mga pasyente kaya hindi mahinto ang paghingi ng medical assistance.
Dito naman inamin ni Ejercito na walang mekanismo ang Philhealth para imonitor ang bills na ipinapataw ng mga ospital sa kanilang mga miyembro.