Patuloy na nakikipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa iba’t ibang mga bansa upang mapalaya ang 17 Filipino seafarers na binihag ng Houthi rebels sa Red Sea.
Hindi tumitigil ang Dep’t of Foreign Affairs sa paggamit ng diplomasya sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa tulad ng Iran, Oman, Qatar, at Saudi Arabia.
Nilinaw naman ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na walang isyu sa pagbabayad ng ransom dahil ang tanging layunin ng mga rebelde ay pilitin ang mga bansa na tutulan ang pag-atake ng Israel sa Gaza.
Naniniwala rin ito na pakakawalan din ang mga Pinoy sa takdang oras, dahil sa nakaraan ay nangyari na rin ang ganitong insidente sa mga Pinoy seamen ngunit kalauna’y pinalaya rin ang mga ito.
Ang 17 Pinoy ay kabilang sa crew members ng “Galaxy Leader” cargo vessel na hinijack ng Houthi rebels mula sa bansang Yemen. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News