dzme1530.ph

People’s Initiative para sa Chacha, surprise gift umano kay PBBM sa SONA

May impormasyon si Senador Imee Marcos na posibleng surprise gift para sa kapatid nitong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanyang State of the Nation Address o SONA sa Hulyo ang isinusulong na People’s Initiative para sa pag-amyenda sa saligang batas.

Ito ay upang suportahan ang mga hakbang ng Pangulo na makaakit ng mga dagdag na mamumuhunan sa pamamagitan ng pagbabago sa economic provision.

Sinabi ng senador na hindi niya batid kung may kinalaman ang kanyang kapatid sa mga hakbang para sa pangangalap ng lagda subalit binalaan nito ang lahat na magdahan-dahan at huwag samantalahin ang kabaitan ng Pangulo dahil maaari rin itong magalit.

Samantala, iginiit din ng mambabatas na hindi na sorpresa para sa kanya kung matukoy na may kinalaman si House Speaker Martin Romualdez sa People’s Initiative.

Ito ay makaraang lumabas sa mga inisyal na impormasyon na naiuugnay ang mga staff ni Romualdez sa mga nakikipag-ugnayan sa mga taong pinalalagda. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author