dzme1530.ph

Pekeng Coast Guard recruiter, arestado

Nahaharap na sa kasong kriminal ang isang pekeng recruiter ng mga gustong sumanib sa Philippine Coast Guard, na na-entrap nitong gabi ng Lunes, May 29, 2023, sa Isabela City, Basilan.

Kinumpirma ngayong Martes ng Isabela City Police Station at ng unit ng PCG sa naturang lungsod na nakadetine si Yazier Balling, at kanyang kasabwat na si Rodel Alegre Lagayan, na arestado sa isang entrapment operation na isinagawa sa isang hotel sa naturang lungsod.

Matapos na tanggapin nito sa harap ng nga otoridad ang marked money na nagkakahalaga ng ₱91,000 mula sa mga nagpanggap bilang aplikante ng PCG.

Nakuha mula kay Balling at Lagayan ang patung-patong na PCG application folders, isang cellular phone, at isang sling bag kung saan inilagay ang marked money.

Sa inisyal na pahayag ng pulisya, nanghihingi ng P60,000 si Balling sa mga aplikanteng pinangakuan niyang makapapasok sa PCG kapalit ng naturang halaga.

Lumabas sa imbestigasyon na ilang aplikante na rin ang kanyang nakuhanan ng pera at mga dokumentong ‘di umano ay kailangan para sa PCG recruitment process.

Ang entrapment operation na nag-resulta sa pagkakaaresto kay Balling at Lagayan na magkatuwang na isinagawa ng lokal na pulisya at ng mga kasapi ng PCG batay sa ulat.

Panawagan ng PCG sa mga aplikante, i-report sa Coast Guard Human Resource Management Command (0935-782-2386) o sa Coast Guard Intelligence Force (0926-628-4519) ang sinumang lalapit sa mga ito para asikasuhin ang kanilang aplikasyon kapalit ng pera. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News

About The Author