dzme1530.ph

PCG, ibinalik ang luxury vehicle na pinuna ng COA

Naibalik na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang luxury vehicle na dating pinuna ng Commission on Audit (COA).

Sinabi ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na ipinasauli ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu ang Land Cruiser Prado sa isang petroleum company upang wala nang maging problema, sa kabila nang wala namang inilabas na pera ang ahensya.

Hindi rin aniya nila itinuloy ang pagpapa-bulletproof sa naturang sasakyan.

Sa Annual Audit Report na inilabas noong Hulyo, tinukoy ng COA ang pagbili ng pcg ng Toyota Land Cruiser Prado na nagkakahalaga ng nasa P5 million noong 2022 sa kabila ng umiiral na ban, pati na ang P2.8 million na nagastos sa bulletproofing.

Pinuna ng State Auditors ang pagkakaroon ng mga bagong sasakyan ng pcg sa pamamagitan ng rebates mula sa Petron Corporation. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author