Tiwala si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maide-deklara nang Communist-Insurgency Free ang Northern Samar sa pagtatapos ng taon.
Sa pagbisita sa 803rd Infantry Brigade sa Camp Juan Ponce sa Sumuroy, inihayag ng Pangulo na nakatanggap siya ng ulat kaugnay ng success rate sa pagpapahina at pagbuwag sa communist fronts sa probinsya.
Kaugnay dito, kampante ang Pangulo na matutupad ang ibinigay sa kanyang deadline sa pagbuwag sa lahat ng communist terrorist fronts sa Northern Samar sa pagtatapos ng 2023.
Umaasa rin si Marcos na sa pagbabalik niya sa Northern Samar ay maide-deklara na niya itong insurgency-free.
Samantala, pinuri rin ng Commander-in-Chief ang pagpupursige ng mga tauhan ng 803rd Infantry Brigade tungo sa matagumpay na Counterinsurgency operations.
Hinamon din niya ang mga ito na sikaping mahikayat ang mga rebelde na magbalik-loob sa batas, at tinitiyak ng Pangulo ang buong tulong at suporta mula sa gobyerno. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News