dzme1530.ph

PBBM, sinertipikahang urgent ang senate bill na magtatatag ng Maharlika Fund

Sinertipikahang urgent ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas sa senado na lilikha ng Maharlika Investment Fund.

Ayon sa Malacañang, nais ng pangulo na mabilis na maipasa ng senado ang Senate Bill no. 2020 na ini-akda ni Sen. Mark Villar.

Iginiit ng Pangulo na kina-kailangan na ang isang sustainable national investment fund sa harap ng bumabang global growth projection ngayong taon bunga ng lumalalang inflation, taas-babang presyo ng krudo bunsod ng nagpapatuloy na Russia-Ukraine crisis, at walang humpay na pagtaas ng interest rate sa international financial sector.

Binigyang diin pa ni Marcos na ang Maharlika Fund ang magsisilbing susi sa pag-unlad, na itong magpapabilis sa large-scale infrastructure projects para sa development at pagpapasigla ng ekonomiya.

Matapos sertipikahang urgent, maaari nang isantabi ng Senado ang 3-day rule sa pagitan ng 2nd at 3rd reading ng Maharlika Fund Bill. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author