Pinangunahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng Rice Processing II facility at pamamahagi ng mga makinaryang pansakahan sa Lungsod Agham ng Muñoz, Nueva Ecija ngayong Lunes, June 30.
Pinangasiwaan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ang pagpapatayo ng pasilidad sa ilalim ng implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program.
Layon ng Rice Processing II Facility na mapataas ang produksyon ng bigas ng mga magsasakang Pilipino, mapalakas ang profitability o kita, at global competitiveness ng mga ito, sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access sa mga bagong teknolohiya na pang-agrikultura.
Makikita sa nasabing pasilidad ang isang multi-stage rice mill na may kakayahang magproseso ng dalawa (2) hanggang tatlong (3) tonelada ng palay kada oras, mayroon din itong advanced components gaya ng pre-cleaner, de-stoner, huller, mist polisher, length grader, color sorter, blending tank, automatic packing machine, rice hull bin, dust collection system at air-conditioned control room.
Bukod dito, mayroon din itong dalawang (2) stainless steel recirculating dryers na kayang magpatuyo ng 12 toneladang palay bawat batch; generator set; tools, at iba pang mahahalagang accessory upang masiguro ang tuloy-tuloy at maayos na operasyon.
Namahagi rin ang pamahalaan ng karagdagang makinaryang pansakahan sa 17 Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs), kabilang sa mga ipinagkaloob ay ang mga sumusunod:
- isang (1) four-wheel tractor with complete implements,
- labing-anim (16) na rice combine harvesters (RCHs), at
- isang (1) handy cultivator.
Nabatid na aabot sa mahigit 6,000 magsasaka, na sama-samang nangangasiwa sa humigit-kumulang 9,200 ektarya ng sakahan sa Science City of Muñoz, ang direktang makikinabang sa pasilidad. | via DZME News