Nagpasaring si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga taong makasarili na pilit na humahatak sa mga Pilipino na magkanya-kanya ng landas.
Sa kanyang talumpati sa Bagong Pilipinas kick-off rally sa Quirino Grandstand sa Maynila, inihayag ng pangulo na para sa mga pilit na nagsusulong ng prinsipyong “kanya-kanya”, ang mga bayani at huwarang Pilipino ang nagpapatunay na makakamit ang tagumpay sa sama-samang pangangarap at pagkilos.
Sila rin umano ang nagpapawalang-bisa sa mga maling haka-haka at paniniwala sa pagsasabing walang pag-asa ang bayan.
Nanindigan si Marcos na kayang umunlad at magwagi ng mga Pilipino sa harap ng mga negatibong bagay na bumabaluktot sa kakayanan ng pagsulong.
Walang direktang pinatungkulan ang Pangulo ngunit mababatid na sa kasabay na prayer rally sa Davao City, hinamon ito ni Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte na mag-resign kung wala itong pagmamahal o pangarap para sa bansa.
Sa bukod na talumpati ay tinawag din siyang “bangag” at drug addict ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News