Naglabas si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Executive Order para sa promotion at pangangalaga ng heritage mansions ng Malacañang.
Sa ilalim ng EO no. 26, itatatag ang advisory board na tututok sa epektibong pamamahala sa Malacañang Heritage Mansions.
Oobigahin itong gumawa ng mga polisiya, proyekto, at programa, at bubuuin ito ng tatlong kinatawan mula sa Office of the President, at tatlong kinatawan mula sa pribadong sektor na itatalaga ng Pangulo.
Samantala, itatatag din ang Malacañang Heritage Mansions Management Center na magbibigay ng technical at administrative support sa advisory board.
Nakasaad pa sa utos ng Pangulo na maaaring buksan sa publiko ang heritage mansions para sa special events, programs, at temporary exhibitions, at papayagan din itong mangolekta ng bayad alinsunod sa mga umiiral na batas at alintuntunin.
Kabilang sa Malacañang Heritage Mansions ang Kalayaan Museum at iba pang tutukuyin ng advisory board. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News