dzme1530.ph

PBBM, inaprubahan ang pilot implementation ng food stamp program!

Inaprubahan ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pilot implementation ng food stamp program o ang “Walang Gutom 2027” ng Dep’t of Social Welfare and Development.

Ito ay sa isinagawang sectoral meeting sa Malacañang kaninang umaga.

Sa press briefing sa Palasyo, inihayag ni Palace Press Briefer Daphne Oseña-Paez na inaprubahan ng Pangulo ang pilot at full implementation ng food stamp program.

Sinabi naman ni DSWD sec. Rex Gatchalian na bukod sa pinaka-mahihirap na pamilya, isasama na rin sa mga benepisyaryo ang mga single-parent, mga buntis, at mga nagpapasusong ina.

Sa ilalim ng programa, ang mga benepisyaryo ay bibigyan ng tap cards na lalagyan ng load para sa food credits na nagkakahalaga ng P3,000.00, para ipambili ng mga piling pangunahing pagkain sa DSWD accredited local retailers.

Aarangkada ang pilot stage mula Hulyo hanggang Disyembre, habang kabuuang 1-M pamilya ang target na mabigyan ng food stamps sa full implementation ng programa. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author