Binatikos ng Grupong Kadamay si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil inuna pa umano nitong magtungo sa Estados Unidos, sa halip na tugunan ang hinaing ng mga manggagawa ngayong Labor Day.
Ayon kay Kadamay Secretary General Mimi Domingo, walang maibubungang kaunlaran lalo na para sa maralitang Pilipino ang umano’y pagpayag ng gobyerno na lalong “magpakatuta” sa alinman sa dalawang naggigiriang imperyalistang bansa o ang America at China.
Idinagdag pa nito na ang nakatakdang bilateral meeting ng Pangulo at ni US president Joe Biden ay walang ibubungang maganda para sa Pilipinas, at sa halip ay mas lalo lamang itong mapapasailalim sa kontrol ng America at pipigilan nito ang pag-usad ng ekonomiya.
Sa halip umano na magkaroon ng independent foreign policy, lumikha ng sariling industriya na magbubunga ng maraming disenteng trabaho, at pakinggan ang mga manggagawa, abalang-abala umano pangulo sa napili niyang propesyon na maging tuta ng mga kano.
Iginiit ng grupo na upang umunlad ang kabuhayan ng dumaraming informal workers, dapat magpatupad ang Pangulo ng makabuluhang umento sa sahod sa harap ng sumisipang presyo ng mga bilihin.—ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News