Nagkasundo ang Pilipinas at Japan na madaliin ang negosasyon para sa pagbuo ng bilateral defense agreement.
Sa bilateral meeting sa sidelines ng ASEAN-Japan Commemorative Summit sa Tokyo Japan, sumang-ayon sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa pagpapatuloy ng koordinasyon upang maagang matapos ang pag-uusap sa pagkakaroon ng reciprocal access agreement, o joint training at military operations.
Sinabi ni Marcos na ang RAA ay magbibigay ng mas malaking kapasidad sa pagpapanatili ng kapayapaan sa South China Sea.
Bukod dito, makatutulong din ito sa paghahanda sa mga kalamidad.
Nangako naman si Kishida na patuloy itong tutulong sa ASEAN para sa pagpapanatili ng malayang international order batay sa rule of law.
Samantala, pinuri rin ni Marcos ang Official Security Assistance na ipinagkaloob ng Japan sa Pilipinas. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News