Inilunsad nina Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Czech Republic Prime Minister Petr Fiala ang “Kaibigan-Přatelé: Czech-Philippine Cultural and Diplomatic Dialogue” book.
Sa kanyang talumpati sa Book Launching sa Malacañang, inihayag ni Marcos na umaasa siyang ang libro ay magsisilbing informative tool para sa mayamang kasaysayan ng cultural at diplomatic exchanges ng Pilipinas at Czech Republic.
Ito rin umano ang patunay na itinuturing ng mga Pinoy at Czech citizens ang isa’t isa bilang Přatelé o magkaibigan.
Tampok sa libro ang kasaysayan kaugnay ng people-to-people at socio-cultural exchanges ng dalawang bansa mula pa noong 17th Century, kabilang ang pagdating sa bansa ng Jesuit Missionary at Taxonomist na si Georg Josef Kamel, at ang malalim na pagkakaibigan nina Dr. Jose Rizal at Ferdinand Blumentritt.
Sa Oktubre ngayong taon ay ipagdiriwang ng Pilipinas at Czech Republic ang ika-50 Anibersaryo ng kanilang diplomatic relations. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News