dzme1530.ph

Patuloy na ayuda sa MSMEs, isinusulong sa Senado

Muling itinutulak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) upang mapalakas ang kanilang pakikipagkumpetensiya at manatiling backbone ng ekonomiya ng bansa.

Patuloy ding isinusulong ni Villanueva ang Senate Bill No. 138 o MSME Stimulus Act para sa pagbuo ng programa para palakasin at padaliin ang paglaki at paglago ng mga MSMEs upang magkaroon pa ng mas maraming trabaho sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Layunin ng panukalang bumuo ng stimulus contingency fund na maaaring gamitin sa mga job-generating industry na naapektuhan ng sakuna, public health emergencies, armed conflict at iba pang kaugnay na mga pangyayari.

Nakasaad din sa panukala na mandato ng Department of Finance sa pamamagitan ng Social Security System na magbigay ng wage subsidies upang mapunan ang lahat o bahagi ng sahod ng kuwalipikadong MSMEs na naapektuhan ng emergencies, sa kondisyong sumunod sila sa batas.

Dahil sa mga aral ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Villanueva na dapat maging maagap ang gobyerno sa pagtulong sa MSMEs para maging matibay at disaster-proof sila sa panahon ng krisis.

Bukod sa MSME Stimulus Act, naghain din si Villanueva ng iba pang mga panukala na magbibigay suporta para sa MSMEs tulad ng Simplified Procedures and Provision for Tax Relief to Micro Enterprises at Strengthening Access to Credit of Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs). —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author