Inilabas na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Labor Advisory No. 28, Series of 2023 na nagsasaad ng wastong pagbabayad ng sahod para sa special (non-working) day sa ika-26 ng Disyembre.
Pirmado ito ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma alinsunod sa Proclamation No. 425, na nagdedeklara sa ika-26 ng Disyembre bilang special (non-working) day sa buong bansa.
Ayon sa naturang labor advisory na ipatutupad ang “No Work, No Pay” maliban na lamang kung ang kompanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.
Samantala, ang empleyado na magtatrabaho sa special non-working day ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho, habang ang empleyado na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate sa nasabing araw.
Para sa mga empleyado na magtatrabaho sa special non-working day at day-off, dapat silang bayaran ng karagdagang 50% ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras; habang ang nag-overtime ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita para sa nasabing araw.
Para sa karagdagang katanungan sa wastong pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag anumang oras o araw sa DOLE Hotline 1349. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News