Binuhay ni Senador Sherwin Gatchalian ang panawagan na bumuo ng Philippine Center for Disease Prevention and Control kasunod ng pagdedeklara ng gastroenteritis outbreak sa lungsod ng Baguio.
Ayon kay Gatchalian, ang ipinapanukalang center ang mamumuno sa forecasting, pagsusuri, at pagbuo ng mga istratehiya at pamantayan para sa pag-iwas at pagsugpo ng mga sakit.
Bukod dito, magiging responsibilidad din ng center ang pagpapatupad ng disease surveillance at field epidemiology, ang pagpapatayo ng mga public health laboratories, at ang pagkakaroon ng lokal na kapasidad para sa surveillance at health research.
Nakasaad din sa panukala na magiging mandato sa mga probinsya, mga lungsod, at mga munisipalidad, na iangkop sa kanilang mga nasasakupan ang mga pamantayang bubuuin ng CDC.
Bubuo rin sa mga local government units (LGUs) ng mga Epidemiology and Surveillance Units, at mga posisyon para sa mga kinakailangang Disease Surveillance Officers at field epidemiologists. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News