Kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez na target nilang malagdaan na ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. proposed 2024 national budget sa December 10.
Sa press briefing sa Asia Pacific Parliamentary Forum, sinabi ni Zubiri na nais nilang bago magtungo sa Japan ang Pangulo ay magkaroon na ng bagong budget ang bansa.
Sinabi ni Zubiri na sa Miyerkules ng susunod na linggo ay inaasahan nilang maipapasa na sa 2nd at 3rd reading ang panukalang budget sa Senado bago maisalang sa bicam committee hearing at maratipikahan ng dalawang Kongreso.
Ipinaliwanag pa ni Zubiri na nagkausap na sila ni Romualdez para maplantsa ang mga detalye ng budget.
Sinabi naman ni Romualdez na tinitiyak nilang tutugon ang panukalang 2024 budget sa lahat ng pangangailangan ng bansa kabilang na sa pagbaha sa Samar at maging sa lindol sa Mindanao.
Iginiit naman ng lider ng Senado na dnagdagan nila sa kanilang bersyon ang budget ng Department of Social Welfare and Development na magagamit sa tulong sa mga nasa krisis. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News