dzme1530.ph

Panukala para sa pagpapalawig ng Estate Tax Amnesty, lusot na sa 2nd reading sa Senado

Inaprubahan na ng mga senador sa 2nd reading ang Senate Bill 2219 o ang pagpapalawig ng Estate Tax Amnesty.

Aamyendahan ng panukala ang Republic Act No. 11213 o ang Tax Amnesty Act upang palawigin sa ikalawang pagkakataon hanggang 2025 ang amnestiya na magtatapos sana ngayong Hunyo.

Sa deliberasyon sa plenaryo, nilinaw din ng sponsor ng panukala na si Sen. Sherwin Gatchalian na bukod sa extension ay naglagay din sila ng mga bagong probisyon sa batas.

Batay anya sa Senate Bill 2219, bibigyan ng opsyon ang mga taxpayer para sa dalawang taong installment na pagbabayad ng kanilang buwis.

Babawasan din ang mga kinakailangang dokumento sa proseso ng pagbabayad ng buwis upang mas maging mabilis ang aplikasyon.

Sasaklawin na rin nito ang mga estate tax na ipinamana mula taong 2021 pababa.

Inaasahang sa susunod na linggo ay aaprubahan na ito sa 3rd and final reading upang sumalang sa bicam meeting hanggang sa maratipikahan bago ang adjournment sa June 2. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author