Isinusulong ni Sen. Jinggoy Estrada ang panukala na magmamandato ng automatic refund mula sa mga telecommunication companies at Internet Service Providers (ISPS) bunsod ng palyado o service interruptions na aabot sa 24 na oras o higit pa sa loob ng isang buwan.
Sa kanyang Senate Bill no. 2074 o ang Proposed Refund for Internet and Telecommunications Service Outages and Disruptions Act, sinabi ni Estrada na maayos na serbisyo ang binabayaran ng mga subscribers kaya hindi makatarungan ang service interruptions.
Binigyang-diin ng Senador na kung hindi matutumbasan ang serbisyong binabayaran dapat ikaltas ito sa bayarin kasabay ng paalala na kapag hindi nakabayad sa tamang oras ang isang subscriber ay agad pinuputol ang kanilang account.
Sa panahon anya na halos nakadepende ang bawat galaw ng mamamayan sa mga gadgets at digital devices, mahalaga ang pagkakaroon ng mabilis, accessible at reliable connection.
Alinsunod sa panukala, magkakaroon ng mekanismo para sa automatic refund o kabawasan sa singil ng kanilang postpaid at prepaid subscribers sa tuwing matitigil ang kanilang pagbibigay serbisyo.
Aamyendahan din ng panukala ang Section 20 ng Republic Act 7925 o ang Public Telecommunications Policy Act of the Philippines upang maisama ang probisyon na magtatakda ng refund credit sa customer na nakaranas ng service outage o disruption na aabot sa 24 na oras sa loob ng isang buwan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News