Pinaghahanda na ni Senador Sherwin Gatchalian ang gobyerno sa posibilidad ng pagtaas ng presyo ng langis kasunod ng paggalaw sa pandaigdigang pamilihan bunsod ng desisyon ng Saudi Arabia at iba pang OPEC + oil producers na bawasan ang produksyon ng 1.1-M barrels kada araw.
Iginiit ni Gatchalian, vice-chairperson ng Senate Committee on Energy na dapat makipag-ugnayan na ang Department of Energy (DOE) sa lahat ng industry players upang matiyak na sapat ang suplay ng enerhiya sa bansa.
Dapat din anyang simulan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paghahanda sa muling pagpapatupad ang Pantawid Pasada program.
Ipinaalala ni Gatchalian na ang pagiging epektibo ng programa ay nakasalalay sa pagiging maagap sa pagbibigay nito sa mga target na benepisyaryo.
Sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis, nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 384, na naglalayong isabatas ang programang Pantawid Pasada upang makapagtatag ng energy subsidy program para pangalagaan ang sektor ng pampublikong transportasyon laban sa mataas na presyo ng langis.
Idinagdag ni Gatchalian na dapat bilisan na rin ng DOE ang pagpapatupad ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) upang maisakatuparan ang malawakang paggamit ng mga electric vehicles (EVs) upang maiwasang umasa nang pangmatagalan ng bansa sa imported na langis. —sa ulat ni Dang garcia