Nakumpleto ng Pilipinas ang panibagong resupply mission sa Ayungin Shoal sa kabila ng pangha-harass ng Chinese vessels.
Ayon sa National Task Force-West Philippine Sea (NTF-WPS), matagumpay na nai-deliver ng UNAIZAH MAY 1 at UNAIZAH MAY 2 na ineskortan ng BRP Sindangan ang supplies para sa mga sundalong naka-destino sa BRP Sierra Madre.
Binigyang diin ng NTF-WPS na ang resupply missions at maintenance sa BRP Sierra madre ay bahagi ng regular operations, alinsunod sa domestic at international law upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga nakatalagang personnel.
Sa post sa X (dating Twitter), sinabi ni dating US Air Force Official at dating Defense Attache Ray Powell na kabuuang 12 Chinese militia ships ang idineploy para harangin umano ang resupply mission sa Ayungin Shoal. —sa panulat ni Lea Soriano