Sa gitna ng pagtitipon ng mga mambabatas mula sa iba’t ibang bansa, humingi ng paumanhin si Senate President Juan Miguel Zubiri sa posibleng idulot na mabigat na daloy ng trapiko ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum simula ngayong araw na ito hanggang sa Sabado sa PICC, Pasay City.
Ibinahagi ni Zubiri na ito ang ikalawang pagkakataon na magsisilbing host ng forum ang Pilipinas matapos ang hosting natin noong 1994.
Inaasahang dadaluhan ito ng halos 300 foreign delegates mula sa Australia, Brunei, Cambodia, Canada, Chile, China, Indonesia, Japan, Republic of Korea, Laos, Malaysia, Mexico, Federated States of Micronesia, Papua New Guinea, Peru, Russian Federation, Thailand, at Vietnam.
Magkakaroon din ngayong gabi ng welcome reception sa Malakanyang para sa mga delegado sa APPF.
Bukas naman ay maghohost si Zubiri ng dinner sa BGC habang farewell dinner sa Makati Shangri-la ang ihohost ni House Speaker Martin Romualdez, sa araw ng Sabado.
Kaugnay nito, nanghingi na ng paumanhin at abiso si Zubiri sa publiko na maaaring makaapekto sa daloy ng trapiko sa mga lugar na ito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News