dzme1530.ph

Panawagang umento sa sahod, muling umingay kasunod ng inaprubahang P1 dagdag-pasahe sa Jeep

Muling umingay ang panawagang itaas ang suweldo ng mga manggagawa makaraang aprubahan ang taas-pasahe sa mga pampasaherong jeep sa buong bansa.

Kahapon ay inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na simula sa Oct. 8, araw ng Linggo, ay epektibo na ang pisong provisional fare increase sa modern at traditional jeepneys.

Ibinaba ng LTFRB ang desisyon kasunod ng hearing sa transport groups na una nang naghain ng mga petisyon para sa dagdag-pasahe bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin.

Napailing naman dito ang mga commuter ng jeep at idinaan sa social media ang kanilang hinaing sa pagsasabing itaas din naman ang sahod ng mga manggagawa.

Mayroon ding mga nagpaalala na ito na ang ikatlong pagkakataon na itinaas ang pasahe sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author