dzme1530.ph

Panawagang pauwiin na si Chinese Ambassador Huang Xilian, napapanahon na

Kinatigan ng ilang mga senador ang apela ni Senate President Juan Miguel Zubiri na pabalikin na sa Beijing si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Kasunod na rin ito ng mga panibagong insidente ng pag-atake ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) sa Philippine Coast Guard (PCG) na nasa gitna ng resupply mission at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsasagawa naman ng humanitarian mission sa ating mga mangingisda.

Sinabi ni Senator JV Ejercito na dapat nang pabalikin ng China si Huang dahil mistulang “hostile” o kalaban ang Chinese Ambassador.

Sa halip aniya na magsilbing diplomatic line para humupa ang tensyon ay ang Chinese Ambassador pa ang nagpapalala ng sitwasyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

Suportado rin ni Senator Nancy Binay ang posisyon ni Zubiri dahil batid naman na tila namumuro na rin ang Chinese Ambassador sa bansa.

Hirit ni Binay sa China na magpadala ng isang Ambassador na maayos at mas madaling kausap hinggil sa mga isyu sa West Philippine Sea.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author