dzme1530.ph

Pamunuan ng LRT 1 at 2, pinagsabihang ayusin muna ang kanilang pasilidad bago magtaas ng pasahe

Dapat maipakita muna ang improvement o pagsasaayos ng serbisyo sa mga train system bago magpatupad ng fare increase sa LRT 1 at 2.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe sa gitna ng napipintong pagtataas ng pasahe sa LRT 1 at 2 sa Agosto.

Ipinaalala ni Poe na ang anumang dagdag pasahe ay mabigat sa bulsa ng taumbayan partikular sa mga estudyante at manggagawa na kapos sa budget at umaasa sa mas murang mass transportation.

Sinabi ng senador na bilang isang privately-operated company, inaasahang ang operators ng LRT 1 ay patuloy na maglalagak ng puhunan sa mas maayos na train system upang kinalaunan ay kumita ito nang malaki.

Sa bahagi naman anya ng LRT 2, ipinaalala ni Poe na taun-taon ay naglalaan ang gobyerno ng bilyun-bilyong subsidiya para rito.

Kaya naman sa pagpasok anya ng budget deliberation ay aalamin nila sa mga ahensyang sumasaklaw nito kung paano ginastos ang subsidiya at pinatitiyak na nabenepisyuhan ang mga pasahero.

Iginiit ni Poe na kung maganda ang serbisyo, darami ang pasahero kaya’t nararapat anyang maramdaman ang ligtas, komportable at modernong train system sa bawat byahe. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author