Kinatigan ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang rekomendasyon ni Camarines Sur District Rep. Luis Raymund Villafuerte na ipaubaya na sa mga lokal na pamahalaan ang pay-outs ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Sinabi ni Villafuerte na maaaring magkaroon ng Memorandum of Agreement sa mga lokal na pamahalaan ang DSWD para sa pay-out dahil kapos sa tauhan ang ahensya.
Kailangan din anyang pag-aralang mabuti ng DSWD ang talaan ng mga benepisyaryo lalo na ang mga nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Bilang tugon, sinabi ni Gatchalian na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga LGU upang mapalakas ang kanilang mga programa.
Samantala, kinumpirma ni Gatchalian na matatapos na hanggang taon na lamang ang paggamit nila sa “Listahanan” poverty database program upang bigyang daan ang full implementation ng Community Based Monitoring System o CBMS simula sa 2024.
Alinsunod sa Republic Act No. 11315 o ang CBMS Act, magiging responsibilidad na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbuo ng database ng mahihirap na pamilyang Pilipino sa pakikipag-ugnayan sa mga LGU upang mas maging accurate at updated ang mga datos. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News